By The Bedan Herald | August 24, 2022
By The Bedan Herald | August 24, 2022
BATA, bata, alam mo ba kung ano ang tama? Sabi nila ang mga kabataan hindi nagsisinungaling. Sa halip, sila’y palatanong at mabusisi sa bawat bagay na gustong intindihin. Kailanman, hindi ka makakarinig ng salitang huwad mula sa bibig ng isang bata — maliban kung may nagtanim ng kabatirang hindi tunay.
Sa ating paglaki, nawala na ba ang ating kakayahang magsuri ng katotohanan? Hindi na ata uso ang pangangamba sa medya na ating natatagpuan. Hindi na mahanap ang batang nagtatanong kung “Bakit ganun?” o “ Paano kaya yun?” sa ating sarili. Sa bilis ng paglabas ng impormasyon dala ng teknolohiya, nawalan na ng oras magsiyasat at tuloy na naging pasibo sa ating nalalaman.
Sa panahon ngayon, napakadaling paniwalaan ng mga tao kung ano ang naaayon sa kanilang pananaw. Ito ay nadudulot sa pagkakaroon ng algorithm na instrumento ng social media na patuloy nagpapakita sa atin ng impormasyon na naka-ayon sa ating mga interes at hindi sa kung ano ang kamakailan; upang tayo ay magtagal sa paggamit.
Dulo’t sa makinaryang ito, madalas isang pagpapalagay na lamang ang ating nakikita. Tayo’y nakakalimot maging obhetibo at nagpapalayaw sa confirmation bias. Masyado na tayo naging kumportableng napapalibutan ng katulad ng ating pag-iisip na tayo ay nagiging echo-chambers — hirap harapin ang salungat na pananaw.
Sa kabila ng mga problema ng pagkakaroon ng saradong pag-iisip, ang mas malaking problema dito ay hindi tungkol sa mga hindi pagkakasundo; tungkol ito sa panlilinlang.
Hindi bago para sa Pilipinas ang sumailalim sa divide and rule strategy, ito ay ginamit na ng ating mga kolonisador noon. Pero ngayon, hindi mga dayuhang mananakop ang nag-iimpluwensya sa atin kundi ang ating kapwa Pilipino. Gamit ang algorithms at kakulangan sa regulasyon ng mga aplikasyon ng social media, maraming nagkakalat ng iba’t ibang baluktot na realidad.
Isa sa mga aplikasyon na namumukod-tangi, lalo na noong nakaraang halalan, ay ang Tsinong aplikasyon na tinatawag na TikTok, kung saan pwedeng gumawa ang mga tao ng kung ano’t anong bidyo. Sa kabila ng pagiging pangalawa lamang sa Facebook, bilang nangungunang pinagmumulan ng disimpormasyon ayon sa grupo ng nagsusuri ng katotohanan na Tsek.ph, masasabi parin na iba italaga ang epekto ng TikTok dahil sa hindi na tradisyonal na paglabas nito ng politikal na propaganda.
Ang isang partido na nakinabang sa aplikasyong ito ay ang pamilya ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., bilang instrumento ng whitewashing ng mga kaganapan sa kanyang termino. Ito’y ginamit hindi lamang para lumikha ng pagdududa kundi lubusang rebisahin ang mga makasaysayang pangyayari upang umangkop sa kanilang "golden era" na salaysay at dalhin ang kanilang pamilya pabalik sa kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pag-target sa isang madla na biktima ng mahinang edukasyon ng rehimen, nagpinta sila ng bagong katotohanan sa pamamagitan ng maraming na-edit na mga bidyo ng mga ito na itinugma sa mga kanta tulad ng Material Girl ni Madonna o Gangsta’s Paradise ni Coolio na pumupukaw sa pakiramdam ng bogus na nostalgia ng isang “cool” at marangyang nakaraan — malayo sa karahasan ng estado at batas militar na aktwal na naganap.
Ngayon na nakalipas na ang halalan, alam natin na naging epektibo ang mga Marcos sa paglinis ng kanilang pangalan gamit ang social media. Makikita natin na ang disimpormasyon ay malayo na ang inaabot; onti-onting hinahamon ang ating demokrasya. Sa lakas ng ating kalaban mapapaisip ka na lang kung mananalo kaya tayo laban sa disimpormasyon?
Hindi. Hindi tayo mananalo. Hindi siya isang laban na tapos na kapag naglantad tayo ng isang sinungaling, hindi natatapos ang disimpormasyon. Ito ay parang sakit na kailangan puksain kung saan ito naroroon. Gayunpaman kahit hindi tayo nanalo, hindi ibig sabihin talo na tayo. Matatalo lamang tayo kung susuko tayo sa paglalantad ng maling impormasyon at hahayaan ang iba at ang ating sarili na malinlang.
Ang paglalantad ng mga kasinungalingan ay isang matrabahong gawain na may kasamang kahihitnatan tulad ng pangungutya, pakikipagtalo, at marami pang iba. Dito natin makikita na mas madaling pumikit sa katotohanan; lalo na kapag ikaw ay may pribilehiyo o hindi ka direktang apektado. Kaya bata, gusto mo parin ba malaman ang tama?
Volume 28 | Issue 1