Features

Ang Christmas Bonus para sa mga laking Sexbomb

Written By Yuri Andrei B. Morrison | December 27, 2025

MINSAN ang buhay ay pataas, minsan naman ay ito’y pababa. Parang ispaghetti lang ‘yan, pababa nang pababa, pataas nang pataas. At tulad ng ispaghetti, nag balik ang Sexbomb ngayong pasko! Pero bago makarating sa pangatlong araw ng “Get Get Aw!: the SexBomb Concert” mahaba at masalimuot ang pinagdaanan ng grupong minsan na ‘ring nagpaindak at humubog sa isang henerasyon. 

‘Di mo na mapipigilan

Bago pa man sila maging simbolo ng noontime television at mass dance culture, ang SexBomb Girls ay nagsimula bilang “Chicken Sandwich Dancers” — isang dance group na hinubog para sa entablado, hindi para sa kasikatan. Nabuo ang grupo noong huling bahagi ng dekada ’90 sa ilalim ng pamamahala ni Joy Cancio. Mula sa odisyons at mahigpit na pag-eensayo, pinagsama-sama ang mga miyembrong kalauna’y kikilalanin bilang isang pulidong grupo, at hindi lamang magkakahiwalay na mananayaw.

Ang kanilang unang malaking break ay dumating nang sila’y madiskubre at maitampok sa noontime show na “Eat Bulaga!” bilang bahagi ng segment na Laban o Bawi. Sa simula, hindi pa sila ang sentro ng programa; nagsilbi muna silang back-up dancers, nagbibigay-buhay sa segment habang ang atensyon ng lahat ay nasa laro at host. Ngunit sa bawat linggong pag ganap, unti-unting napansin ang kanilang sabayang galaw at natural na hatak sa masa.

Hindi nagtagal, ang kanilang presensya ay hindi na mapigilan. Ang mga simpleng hakbang ay sinasabayan ng mga manonood sa bahay, at ang dating mga background dancer ay naging pangunahing atraksyon. Dito nagsimula ang pag-angat ng SexBomb — mula sa gilid ng entablado patungo sa gitna ng kultura — pag sikat na hindi planado, ngunit buong-buong niyakap ng sambayanan.

Panahon ng pagsayaw at pagsunod

Bago pa ang TikTok at ang mga pauso ng kabataang pasabit sabit lang sa poste, naroon na ang SexBomb Girls. Sa panahong wala pang “dance challenges,” ang kanilang mga galaw ay kumakalat sa mas mabagal ngunit mas personal na paraan — mula sa telebisyon, papunta sa sala, sa eskwelahan, at sa kalsada. Hindi ito panandaliang uso na dumarating at nawawala; ito’y ritwalistiko.

Ang “Spaghetti Song” at ang mga sumunod pang sayaw ay madaling sundan, paulit-ulit, at sabay-sabay — isang paanyayang hindi kinakailangan ng ekspertismo, kailangan lamang sumabay. Sa mga handaan at pista, sa P.E. classes at programang pang-eskwela, naging tulay ang SexBomb para magsama-sama ang bata at matanda. Ang sayaw ay naging laro, at ang laro ay naging alaala.

May oras sa tanghalian na ‘tila itinakda ng kanilang musika. Humihinto ang gawaing-bahay, bumubukas ang telebisyon, at ang buong bahay ay nagiging entablado. Ang kanilang mga galaw ay hindi na kailangang ituro — alam na ng katawan. Naipapasa ito hindi  dahil sa algoritmo, kundi sa pagtawa, pagturo, at paggaya.

Kung tutuusin, ang hinahanap ngayon ng viral culture ay matagal nang naibigay ng SexBomb: sayaw na kayang sabayan ng lahat at saya na may kasamang komunidad. Ang kaibahan lamang, ang kanila ay nanatili — dahil naka-ugat ito sa kolektibong karanasan, hindi sa mabilis na pansin.

At marahil iyon ang dahilan kung bakit, hanggang ngayon, sapat na ang isang tugtog para maalala natin kung kailan tayo sabay-sabay na sumayaw.

Lalaban laban, hindi babawi bawi

Hindi madaling buhayin ang isang alaala, lalo na kung ito’y nakatali sa isang panahong matagal nang lumipas. Para sa SexBomb Girls, ang pagbuo ng Get Get Aw!: The SexBomb Concert ay nagsimula sa pag-aalinlangan. Ilang producer ang tinanggihan ang proyekto, may pangambang baka hindi na sapat ang hatak ng nostalgia, baka hindi na mapuno ang mga upuan, at baka hindi na maibalik ang siglang minsang nagpasabog sa noontime television. Sa isang industriyang mabilis magpalit ng uso, ‘tila mabigat ang tanong: may puwang pa ba ang SexBomb sa entabladong pinaghaharian na ng mas bago at mas bata?

Dagdag pa rito ang mga praktikal na hamon: ang muling pagsasama-sama ng mga miyembro matapos ang mga taon ng magkakaibang buhay at ang pisikal na pagod ng muling pag-indak. Sa puntong muntik nang hindi matuloy ang konsiyerto, mismong ilang miyembro ng grupo ang naglabas ng sariling pera upang itulak ang proyekto. Ngunit hindi sila nag-iisa sa labang ito; bilang pagkilala sa kanilang legasiya, maging ang mga dambuhalang bituin tulad nina Michael V. at Dingdong Dantes ay iniulat na tumangging tumanggap ng talent fee para lamang makasama at masuportahan ang pagbabalik ng grupo. At doon nagsimulang mabago ang kuwento. Disyembre 4, sold out ang Smart Araneta Coliseum. Sinundan ito noong Disyembre 9 sa punong punong Mall of Asia Arena na kalaunan ay naging panawagan para sa ikatlong gabi dahil sa dami ng nagnanais makasaksi. Sa unang tugtog ng “Get Get Aw,” sinalubong ang SexBomb ng sigawan, luha, at sabayang galaw, mga katawan at alaala na ‘tila sabay-sabay na bumalik sa iisang ritmo. Ang mga upuan ay napuno, hindi lamang ng mga dating tagasabay, kundi ng bagong henerasyong nais masaksihan ang alamat na minsang humubog sa kabataan ng kanilang mga nakatatanda.

Sa huli, ang konsiyerto ay hindi lamang pagbabalik sa entablado kundi pagpapatunay. Ang mga hinubog ng panahon ay posible pa ring tumindig, makipagsabayan, at muling pakinggan at ang takot na baka sila’y nakalimutan na ay napalitan ng katiyakang may puwang pa rin para sa mga kuwentong tapat at sayaw na sabay-sabay. Sapagkat ang SexBomb, tulad ng sigaw na naging mantra nila, ay hindi bumabawi — lalaban at lalaban pa rin.

Ang huling indak

Sa ikatlong araw ng “Get Get Aw!: The SexBomb Concert” hindi pa man ito nagaganap, ramdam na ang ekspektasyon at pananabik ng mga tagahanga. Ang unang dalawang gabi ay nagbigay ng kasiyahan, alaala, at sabayang indak, at ang ikatlong gabi ay inaasahan bilang finale na puno ng sorpresa, musika, at nostalgia. Ito’y naging pagkakataon na muling ipagdiriwang ang grupong humubog sa isang henerasyon.

Bagama’t hindi pa tiyak ang lahat ng detalye, ang antisipasyon ay patunay na ang SexBomb ay nananatiling malapit sa puso ng mga pilipino. Sa halip na huling pagtatanghal lamang, ito ay magiging simbolo ng kanilang tagal at impluwensiya, at muling pag-ugnay sa lahat ng sumabay sa kanilang galaw at kantang tumatak sa alaala ng marami.

Sa huli, kahit ang huling indak ay nakatakdang mangyari, malinaw na ang musikang nagbuklod sa henerasyon ay patuloy na magbabalik sa mga alaala at puso ng bawat manonood, paalala na ang saya, kapag tapat, ay hindi nawawala.

Volume 31 | Issue 6

Latest Articles